Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na ilagay muli sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila at apat pang karatig nitong lalawigan simula bukas hanggang Abril 4.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, ipinag-utos din ang pagpapatupad ng karagdagang mga restrictions sa NCR, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal bunsod ng paglaganap ng COVID-19.
Batay sa Resolution No. 104 ng task force, tanging ang mga essential travels lamang sa mga nasabing lugar ang papayagan habang mananatili naman ang public transportation.
Ipinagbabawal naman ang mass gatherings, kabilang ang religious events, at maging ang pagdaraos ng face-to-face meetings.
Limitado lamang sa sampung indibidwal ang maaaring dumalo sa kasal, binyag, at funeral services.
Ayon sa IATF, ang mga dine-in restaurants, cafe at iba pang establisimyento ay dapat limitado ang mga serbisyo sa delivery at take-out habang papayagan lamang ang outdoor o al fresco dining kung may maayos na engineering at administrative controls sa lugar.
Maliban dito, bawal munang bumisita sa mga kamag-anak habang pinapayuhan ang lahat ng mga mamamayan sa mga nabanggit na lugar na ugaliing magsuot ng facemask kahit nasa loob ng bahay, lalo na ang matatanda at mga bantad sa sakit.