Mas makabubuti kung bibigyang linaw at mareresolba ng Kongreso o Korte Suprema ang mga usapin kaugnay ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Ito ang inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa gitna na rin ng napipintong maagang pagpapalaya kay convicted murderer-rapist at dating Calauan Laguna Mayor Antonio Sanchez dahil umano sa magandang pag-uugali.
Ayon kay Guevarra, ilang mga abogado ang nagbigay na ng kanilang pananaw at sinabing kuwalipikado para maging benepisyaryo ng expanded GCTA law ang sinumang bilanggo, anuman ang kaso nito.
Gayunman, mas ikalulugod aniya ng DOJ kung ang magreresolba sa usapin ay ang kongreso sa pamamagitan ng pag-amyenda sa nabanggit na batas o interprestasyon mula sa korte suprema kung iaakyat dito ang isyu.
Kasabay nito, idinepensa naman ni Guevarra ang maagang pag-aanunsyo ng DOJ at Bureau of Corrections sa posibleng paglaya ng libu-libong preso kung saan posibleng kabilang si Sanchez.