Umapela ng pang-unawa si Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Ronald Dela Rosa sa publiko kaugnay sa pansamantalang pagsuspinde ng mga phone signal sa Maynila at mga karatig lugar bilang bahagi ng security measure para sa traslacion ng Itim na Nazareno.
Humingi din ng paumanhin si Dela Rosa ngunit kanyang hinimok ang publiko na ikunsidera ang napakagandang epekto ng signal jamming sa kaayusan at kapayapaan ng selebrasyon partikular sa traslacion ng Itim na Nazareno.
Walang cellphone signals sa buong Maynila na inabot pa ng Quezon City bilang ‘preemptive measure’ kahit wala namang aktuwal na banta ng kaguluhan.
Samantala, walang naitalang mga ‘untoward incident’ ang PNP sa kasagsagan ng traslacion.
Una nang nagpalabas ng abiso ang Globe at Smart kaugnay sa pagsuspinde ng kanilang mobile services sa mga lugar na daraanan ng traslacion ng Itim na Nazareno, simula 5:00 ng madaling araw ng Martes, Enero 9.
Alinsunod ito sa kautusan ng National Telecommunications Commission (NTC) at hiling ng Philippine National Police (PNP).