Inaasahang hihina ang Bagyong Gener sa susunod na 12 oras hanggang 24 oras matapos makapasok sa bansa kaninang alas-4 ng madaling araw.
Ayon sa PAGASA, ang sentro ng Bagyong Gener ay pinakahuling namataan sa layong 870 kilometro silangan, hilagang-silangan ng Basco, Batanes.
Taglay ng Bagyong Gener ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 45 kilometro bawat oras malapit sa gitna at ma pagbugso na umaabot sa 55 kilometro kada oras.
Ang nasabing bagyo ay kumikilos sa bilis na 20 kilometro kada oras sa direksyong pa kanluran, timog-kanluran.
Sinabi ng PAGASA na mananatiling malayo sa Philippine landmass ang nasabing bagyo na hindi rin inaasahang magkakaroon ng direktang epekto sa bansa.