Lumarga na sa mainline ang general overhauled light rail vehicles o bagon ng MRT-3.
Ito, ayon sa pamunuan ng MRT-3, ay dagdag sa 22 train sets kabilang ang 19 CKD train sets at tatlong Dalian train sets na operation at tumatakbo na.
MAGANDANG BALITA!
Nagsimula nang tumakbo sa mainline ang general overhauled light rail vehicles (LRVs) o bagon ng MRT-3, na binubuo ng isang train set na may tatlong bagon, ngayon, ika-05 ng Nobyembre 2020. pic.twitter.com/ZF3JzMfvFy
— DOTr MRT-3 (@dotrmrt3) November 5, 2020
Magugunitang nagsagawa ng simulation run ang pamunuan ng MRT-3 para sa mga bagong overhaul na mga bagon na sinubukan ding patakbuhin sa bilis na 50 kilometers per hour (kph) nitong ika-29 ng Oktubre.
Ito ay para matiyak na ligtas na gamitin ang mga bagon at maaari nang idagdag sa mga operational train sets na tumatakbo sa linya.
Dahil sa mas mabilis na takbo ng tren, nabawasan na ang average passenger waiting time para sa pagdating sa istasyon ng mga tren sa 4-minuto hanggang 6.5-minuto sa bilis na 40 kph.
Target na mas mapabilis pa ang takbo ng mga tren hanggang 60 kph pagsapit ng Disyembre ngayong taon.
Sa kasalukuyan, ang kada train set ay maaaring magsakay ng 372 passengers o 124 passengers kada train car o 30% ng kapasidad nito.