Itinanggi ng hepe ng General Trias PNP sa Cavite ang report na pagsasalang sa pumping exercise ng mga curfew violator na ikinasawi ni Darren Peñaredondo na isa sa mga nahuli nila.
Sinabi sa DWIZ ni Lt. Col. Marlo Solero na kahit kailan ay hindi sila nagpapa-exercise o nagpaparusa sa mga nahuhuling lumalabag sa curfew sa General Trias maliban lamang sa pagsasagawa ng community service.
Ayon kay Solero, matapos nilang makuha ang personal information ng mga nahuling curfew violators kasunod ang pagle-lecture sa mga ito hinggil sa Inter-Agency Task Force (IATF) guidelines, hihintayin nilang matapos ang curfew hours bago i-release ang mga ito sa kani-kanilang mga barangay officials.
Hindi po namin ginagawa ‘yon. Minsan bago sila ihatid ng kanilang mga barangay officials o barangay tanod sa kanilang mga bahay, pinagko-community quarantine namin sila. ‘Yun po ‘yung paglilinis o pagpupulot ng basura dito sa vicinity ng Town Plaza namin. Ganoon lang po ang ginagawa namin sa mga IATF at curfew violators ng General Trias,” ani Solero.
Ipinabatid pa sa DWIZ ni Solero na wala silang nakikitang kakaiba kay Peñaredondo nang pauwiin na ito.
Katunayan around 8 o’clock ho, o 7 o’clock something po, sinundo po sila ng kanilang mga respective barangay mobile patrols, kasama po ‘yung mga barangay tanod na naghatid din sa kanila noong gabi, okay naman po ‘yung kondisyon nila, nakakalakad po sya, nakarating sa bahay nila. Wala naman po kaming nakitang kakaiba sa kanya noong time na sila ay sinundo. Sa katunayan po meron kaming picture dito na before sila i-return sa kani-kanilang mga barangay, may picture po sila, pini-picture-an po sila, as part ng protocol namin, para masiguro na sila ay in good physical conditiom,” ani Solero. —sa panayam ng IZ sa Alas Sais