Ipinatawag ng German foreign ministry ang charge d’affaires ng Pilipinas sa Germany upang iprotesta ang mga pahayag ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin sa isang panayam ng German television network.
Sa naturang panayam, muling binanggit at sinang ayunan ni locsin ang paghahalintulad ng Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkamatay ng tatlong milyong drug addicts sa holocaust o pagpatay ng Nazis sa anim na milyong hudyo nuong panahon ni Adolf Hitler.
Ipinarating di umano ng German foreign ministry kay Lilibeth Pono, charge d’affaires ng Pilipinas sa Germany na hindi katanggap tanggap ang pahayag ni Locsin.
DFA Sec. Locsin humingi ng pulong sa ambassador ng Germany sa Pilipinas
Humihingi ng pulong si Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin sa ambassador ng Germany sa Pilipinas.
Sa kanyang twitter account, sinabi ni Locsin na nagpadala siya ng mensahe sa German Federal Foreign Office na papuntahin sa kanyang tanggapan sa Pilipinas ang kanilang ambassador.
Ayon kay Locsin, mas gusto nyang tapusin ang sarili nyang laban kesa ipasagot ito sa iba.
Una rito, ipinatawag ng German foreign ministry ang kinatawan ng Pilipinas sa Germany dahil sa anila’y hindi katanggap tanggap na pahayag ni Locsin sa panayam ng isang German television hinggil sa holocaust o pagpatay ng Nazis sa may anim na milyong Jews.