Inanunsyo ni German Chancellor Angela Merkel nitong linggo na sasailalim sa national hard lockdown ang bansang Germany sa Miyerkules ng susunod na linggo hanggang Enero 10 ng susunod na taon.
Ito’y matapos bigong maresolba ng partial lockdown ang 2nd wave ng kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa bansa at makapagtala ng 20,200 na bagong kaso nitong linggo, at 598 nasawi sa loob lamang ng isang araw.
Base sa ulat ng Robert Koch Institute, agency for disease control ng bansa may kabuuang 1,320,716 ang tinamaan ng virus at sumirit na sa 21,787, ang kabuuang nasasawi dulot nito.
Bunsod nito, lahat ng non-essential na tindahan at paaralan ay isasara hanggang Enero 10, nangako naman si German Finance Minister Olaf Scholz na tutulungan nito ang lahat ng negosyong apektado ng isasagawang national lockdown.
Samantala, lilimitahan naman sa 10 katao ang papayagan magdiwang na magkasama-sama sa darating na kapaskuhan, ipagbabawal rin ang pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar at ang pagpapaputok sa pagsalubong ng bagong taon.
Iiral din ang bago at mas mahigpit na health protocols sa mga simbahan, kung saan lahat ng magsisimba ay kinakailangang magregister sa pagpasok ng simbahan at pansamantalang ipagbabawal ang pag-awit sa misa.
Kaugnay nito mayroon namang iba’t ibang patakarang iiral sa bawat lugar sa Germany alinsunod sa desisyon ng lokal na pamahalaan nito kasabay ng pagpapatupad ng hard lockdown sa bansa.—sa panulat ni Agustina Nolasco