Ipinanawagan na ng isang grupo ng magsasaka kay Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang umano’y “ghost project” na pinondohan mula sa tobacco excise tax sa Ilocos Sur.
Sa isang liham na ipinadala kay Pangulong Duterte ng National Federation of Tobacco Farmers and Cooperatives o NAFTAC, halos kalahating bilyong piso ang inilaang pondo para sa Farmer’s Convention Center sa Vigan City.
Ayon kay NAFTAC National President Bernard Vicente, taong 2008 pa ini-award ang kontrata pero wala pa sa sampung porsyento ang natatapos sa proyekto na pinondohan mula sa share ng lalawigan sa tobacco excise tax.
Inireklamo rin nila ang kawalang-interes umano ni Governor Ryan Singson na pilitin ang contractor na tapusin ang proyekto at parusahan dahil sa matinding delay.
Bukod sa Pangulo, nanawagan din ang mga tobacco farmer sa Kongreso at Commission on Audit (COA) na magsagawa ng imbestigasyon.
Batay sa 2017 COA Report, nagduda ang ahensya sa “validity, accuracy, fair presentation” ng general fund disbursement ng Ilocos Sur na aabot sa 1.34 na bilyong piso.
—-