Hindi na bago ang kuwento ng ghosting o ang biglang paglaho na parang bula ng isang tao sa isang official relationship, pero ano ang gagawin mo kung ang nang-ghost sa’yo ay asawa mo na, katulad ng nangyari sa isang babae sa Massachusettes, USA.
Ang buong kwento, alamin.
Sa isang Facebook post ng licensed aesthetician na si Ashley Mcguire, ikinuwento niya kung paanong ghinost siya ng British national na asawa na si Charles na isa namang chef.
Aniya, susubukin daw niya ang kapangyarihan ng Facebook upang mahanap ang asawa na nang-ghost sa kaniya habang buntis siya sa pangalawa nilang anak.
Mayroon nang dalawang supling ang mag-asawa. Ang panganay ay isang taon nang hindi nakikita ng lalaki, habang ang bunso naman ay hindi pa nito nakita ni isang beses man lang.
Makikita rin sa caption ng post na kaya pala hinahanap ni Ashley si Charles ay dahil kailangan niya ang pirma nito para tuluyan na siyang ma-divorce sa lalaki at maka-move on na sa kaniyang buhay.
Balita rin ni Ashley na “Charlie” na ang ginagamit nitong pangalan at nagtatrabaho sa hospitality industry. Mayroon din daw tiyansa na hindi binabanggit ng lalaki na siya ay isa nang family man.
Sa kaparehong post, nanawagan ang babae sa mga maaaring nakakilala sa kaniyang asawa upang maabisuhan siya sa whereabaouts nito.
Samantala, makalipas lamang ang labing-apat na oras ay napatunayan nga ni Ashley ang kapangyarihan ng social media dahil sunud-sunod ang impormasyon na natanggap niya tungkol sa asawa.
Mayroong mga babae na nagsabing naka-match nila sa isang dating application si Charles at alam ang address at numero nito, habang ang iba naman ay sinasabing posibleng nasa Texas ito.
Nagpasalamat naman si Ashley sa mga nagbigay ng impormasyon tungkol sa kaniyang asawa at kahit ganun ang ginawa nito sa kaniya ay humiling siya sa mga tao na huwag itong pisikal na hanapin at huwag ding pagbabantaan.
Ikaw, ano ang gagawin mo kung sa’yo naman ito mangyari?