Aminado ang bagong talagang PhilHealth Chief na si dating National Bureau of Investigation (NBI) director Dante Gierran na wala siyang karanasan sa larangan ng public health.
Ito ang tahasang inihayag ni Gierran sa panayam ng DWIZ.
Wala akong experience sa public health, ‘yan ang tunay,” ani Gierran.
Pero depensa ng PhilHealth chief, bagamat wala siyang karanasan sa public health, batid naman aniya na mayroon siyang mga tauhan na gaganap sa mga pangangailangan nito.
Dagdag pa ni Gierran, nariyan na ang sistema sa PhilHealth, dapat na lamang aniya ay magkaroon ng isang lider na magsisigurong maipatutupad ang sistema ng tapat sa taong bayan.
As a leader, may mga tao ka, may mga doktor, abogado, accountant, lahat. The system is already there… As a leader, you have to lead people… Ang pinaka-importante d’yan, the will power to lead.” ani Gierran.
Mababatid kasi na kabilang sa mga kwalipikasyon sa kung sino ang mamumuno sa PhilHealth ay dapat na may ilang taong karanasan sa public health management, finance at iba pa. —sa panayam ng Ratsada Balita
‘Patayin mo sila lahat’ na pahayag ni Duterte ‘wag gawing literal —bagong PhilHealth chief
‘Patayin mo sila.’
Iyan ang naging marching order ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bagong talagang PhilHealth chief na si dating National Bureau of Investigation (NBI) director Dante Gierran.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Gierran na alinsunod sa utos ng pangulo sa kanyang paghawak sa ahensya, ay siguraduhing mapapatay o malilinis ang talamak na korapsyon dito.
Pero paglilinaw ni Gierran, hindi naman literal na pagkitil sa buhay ang ibig sabihin ng pangulo, sa halip ay nais lang nito na matuldukan na —ang matagal nang korapsyon sa PhilHealth.
Patayin mo sila lahat. ‘Pag sinabi mong patayin, ‘wag naman ‘yung literal, kasi sabi niya pera ng bayan ‘yan,” ani Gierran.
Magugunitang umalingawngaw ang PhilHealth dahil sa isyu ng bilyun-bilyong korapsyon at ilan pang mga anomalya sa gitna ng nararanasang pandemya. —sa panayam ng Ratsada Balita