Halos madurog ang “puso” ng Filipino fans matapos maputol ang pag-asa ng Gilas Pilipinas na makapasok muli sa FIBA World Cup.
Ito’y makaraang muling makatikim ng masaklap na pagkatalo ang Gilas sa kamay ng isa sa pinakamatinding karibal na South Korea sa 2017 FIBA Asia Cup, sa kanilang paghaharap sa Beirut, Lebanon.
Ginantihan ng SoKor ang Pilipinas at sa pagkakataong ito ay tinambakan ang Philippine National Team sa score na 119-86 sa quarterfinals ng torneyo.
Di hamak na mas maganda ang gameplay execution at asintado ang outside shooting ng mga Koreano kumpara sa Gilas na nagmistulang one-man team sa pangunguna ni Terrence Romeo.
Taong 2011 nang walisin ng SoKor ang Pilipinas para sa 3rd place ng FIBA Asia cup habang noong 2009 FIBA Asia Cup ay tinalo rin ng Korean team ang mga Filipino para sa 7th place.
By Drew Nacino