Bago sumabak sa laro, napasabak muna ang matatangkad na players ng gilas pilipinas sa paglusot sa maliit na siwang para makalabas sa elevator matapos ma-stuck dito.
Kung paano nakalabas ang mga manlalaro, eto.
Sa isang video na pinost ng Shooter ng TNT Tropang Giga na si Calvin Oftana, makikita kung paano sila nagsiksikan ng mga kapwa niya basketbolista sa isang hotel elevator na na-stuck pala.
Dahil sa mga nagtatangkaran at umaabot pa ng 6 feet na height ng mga lalaki ay halos dumikit na nga ang mga ulo nila sa kisame ng elevator.
Nangyari ito kamakailan lang nang magpunta sila sa Doha, Qatar para lumaban sa Doha International Championship.
Ipinakita na binuksan ng Point Guard ng San Miguel Beermen na si CJ Perez ang pinto at doon na-reveal na na-stuck pala ang mga ito sa pagitan ng dalawang floors!
Nakakaaliw naman ang naging eksena nang dumating na ang mga sumaklolo sa mga players dahil kitang-kita na todo yuko pa ang mga ito para lang makalabas mula sa maliit na siwang ng pinto na para bang dumaan ang mga ito sa butas ng karayom.
Samu’t sari naman ang mga iniwang komento ng mga netizen. Ang ilan ay natawa pero marami ang masaya na ligtas na nakalabas ang kanilang mga iniidolo at nagsabi na sana ay mas mag-ingat pa ang mga ito sa susunod.
Sa mga taga suporta ng Gilas, anong masasabi mo sa nakakakabang experience na ito ng mga atleta?