Ginulat ng Gilas Pilipinas ang Chinese national basketball team sa unang sigwada ng 2017 FIBA Asia Cup sa Beirut, Lebanon.
Pinatumba ng Pilipinas ang China sa score na 96-87 sa kanilang paghaharap sa Nouhad Nawfal Gymnasium, kahapon.
Ito ang unang panalo ng Gilas laban sa kanilang pinakamabigat na karibal at Asian basketball powerhouse na China sa nakalipas na dalawang taon
Mistulang rematch ng finals noong 2015 FIBA Asia Cup ang paghaharap kahapon ng defending champion na China at second placer na Pilipinas.
Hindi binigo ni Terrence Romeo ang Philippine Team na naging susi upang makamit ang malaking tagumpay matapos magpakawala ng 26 points.
Sa unang quarter pa lamang ay liyamado na ang Gilas at umabot pa sa 17 points ang kalamangan sa second half at bagaman humabol ang Chinese team sa 4th quarter, sinamantala ni Romeo ang pagkakataon upang magpaulan ng tres.
Sunod namang makakasagupa ng Gilas Pilipinas ang Iraq, bukas.
By Drew Nacino