Hindi kumbinsido si Genuine Minority Congressman Teddy Baguilat na isang daang porsyentong (100%) sinuportahan ng Pangulong Rodrigo Duterte si dating Environment Secretary Gina Lopez.
Ayon kay Baguilat, ito ay dahil hindi nila naramdaman sa Kamara ang sana ay pagmamalaki ng mga miyembro ng super majority sa pagsalang ni Lopez sa Commission on Appointments (CA).
Kung sinuportahan aniya si Lopez ng administrasyon, ay maaring mabilis itong nakapasa sa confirmation hearing, katulad ng nangyaring pamba–braso sa death penalty bill na kaagad naaprubahan.
Gina Lopez dapat na ipagpatuloy ang adbokasiya – De Lima
Hinimok ni Senador Leila De Lima si dating Environment Secretary Gina Lopez na ipagpatuloy ang kanyang adbokasiya, kahit na hindi pinaburan ng CA o Commission on Appointments ang kanyang pagkakatalaga bilang kalihim.
Sinabi ni De Lima na maaring nanalo ang mga mining company sa pag – impluwensya sa CA pero hindi dapat magpaapekto si Lopez sa pagkakabasura sa kanyang appointment.
Hindi rin aniya mananatiling “unrealistic” ang mga adhikain ni Lopez, kung kanyang itutuloy ang mga proyektong tutulong sa pagtitiyak sa pagkakaroon ng ligtas at malusog na kapaligiran.
By Katrina Valle |With Report from Jill Resontoc / Cely Ortega – Bueno