Mariing konenda ng Malakanyang ang ginawang pag-atake ng Abu Sayyaf Group sa Patikul Sulu na ikinasawi ng 11 sundalo at ikinasugat ng 14 na iba pa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ito na ang ikalawang beses na naka-engkuwentro ng tropa ng pamahalaan ang Abu Sayyaf matapos ang unang insidente noong Abril 16.
Sinabi ni Roque, walang pinipiling oras at okasyon ang mga kalaban ng pamahalaan kung saan umaatake ang mga ito kahit nahaharap ang bansa sa pandemiya.
Dagdag ng kalihim, magsilbi nawang aral sa lahat ang insdente kabilang sa mga awtoridad na manatiling nakahandang durugin ang mga kalaban ng pamahalaan at sugpuin ang anumang armadong pag-atake sa gitna ng umiiral na state of calamity at public health emergency sa bansa.
Kasabay nito, nagpaabot naman ng dasal at taos pusong pakikiramay si Pangulong Rodrigo Duterte sa naulilang pamilya ng mga nasawing sundalo na nagsakripisyo para sa kaligatasan ng komunidad.