Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na isang “security threat” ang ginawang pagdaan ng Chinese warships sa bansa ng walang diplomatic clearance.
Ayon kay AFP Spokesperson Brigadier General Edgard Arevalo, walang impormasyon ang Pilipinas kung ano ang pakay ng pagdaan ng Chinese warship sa bansa.
Sinabi pa ni Arevalo na hindi siya naniniwalang ‘innocent pasage’ lang ang pagdaan na iyon ng mga warship ng China dahil hindi aniya maikling ruta ang tinatahak ng mga barko.
Kapansin-pansin din umano ang biglaang pagtungo ng mga ito sa direksyon palabas ng bansa nang mamamataan ang air assets ng Philippine Navy para bantayan ang mga barko.
Inihayag din ni Arevalo na pinatay ng mga barko ang automatic identification systems ng mga ito kung saan makakakuha sana ng impormasyon ang militar.
Nilabag din ng mga Chinese vessels ang protocol sa lahat ng mga barkong naglalayag matapos nitong hindi sagutin ang radio calls ng Western Mindanao Command.
Dahil dito, itinututuring ni Arevalo ang insidente bilang banta sa seguridad ng bansa.
Sa ngayon ay pinag-aaralan na ang posibleng gagawing aksyon laban sa tresspassing ng Chinese warships.
with report from Jaymark Dagala (Patrol 9)