Pinapurihan ng mga Senador ang militar at pulisya sa matagumpay na paglikida sa mga lider terorista na sina Omar Maute at Isnilon Hapilon sa Marawi City.
Ayon kay Senador JV Ejercito, mabuting tingnan ang mga leksyong dulot ng pagkubkob sa Marawi City sa pamamagitan ng pagpapalakas ng intelligence at counter terrorism initiatives.
Para kay Senador Antonio Trillanes IV, ang tagumpay na ito aniya ay ang angkop na parangal para sa mga sundalong nagbubuwis ng buhay upang labanan ang terorismo at matigil na ang karahasan.
Sa panig naman ni Senador Juan Miguel Zubiri, maliban sa mga sundalo at pulis, dapat ding papurihan ang mga civilian intelligence assets na nakatulong para sa matagumpay na operasyon laban sa mga terorista.
Ayon naman kay Senador Francis Pangilinan, ganap nang naisilbi aniya ang katarungan sa mga pamilya ng mga namatayang sundalo at sibilyan sa halos limang buwang bakbakan sa lungsod.