Mariing binatikos ni Cebu City Councilor Edu Rama ang ginanap na prusisyon ng imahe ng Senyor Santo Niño sa Barangay Basak San Nicolas sa lungsod.
Ayon kay Rama, malinaw na paglabag sa protocol ng umiiral na enhanced community quarantine sa Cebu City ang pagsasagawa ng hindi awtorisadong sinulog sa nabanggit na barangay.
Aniya, hindi katanggap tanggap ang ginawa ng organizers ng nabanggit na aktibidad kung saan inilagay nila sa panganib ang maraming tao.
Tiniyak naman ni Police Regional Office 7 Deputy Regional Director for Administration Col. Randy Peralta na kanilang gagawin ang lahat para hindi na maulit pa ang katulad na pangyayari.
Dagdag ni peralta, kanilang iimbestigahan ang pangyayari at kakasuhan ang mga napatunayang nagkasala.
Aniya, hindi naman ganap na ipinagbabawal ang mga religious activity pero kailangang maunawan ng mga residente na kasalukuyan silang nasa ilalim ng ECQ dahil sa mataas na kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Samantala, sinabi ni Environment Secretary Rou Cimatu na kanyang pupuntahan ang barangay San Nicolas bukas para kausapin ang barangay captain nito hinggil sa ginanap na prusisyon doon.