“Hindi mahirap itigil ang jueteng kung gusto.”
Ito ang binigyang diin ni retired Archbishop Oscar Cruz sa pagsisimula ng giyera ng gobyerno kontra iligal na sugal sa bansa.
Sa panayam ng “Ratsada Balita”, ikinatuwa ni Cruz ang hakbang na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte na napabayaan aniya ng mga nakaraang administrasyon.
“Salamat naman sa Presidente at naisip niya itong giyera kontra iligal na sugal, kasi yung nakaraang administrasyon walang pakialam eh.”
Naniniwala si Cruz na hindi magiging madugo o mahirap ang pagsawata sa jueteng ngunit ang problema aniya ay dahil pinarami ang mga uri ng STL o small town lottery sa bansa ay malilito ang Kapulisan sa paghuli kung alin ang iligal o hindi.
Idinagdag din ni Cruz na ang malaking hamon sa giyera kontra iligal na sugal ay kung magagawang permanente ang pagpapatigil dito.
“Madaling ipahinto pero puwedeng-puwedeng bumalik yan, yun ang dapat nilang tutukan ang prevention. Ang dapat istriktuhan nila ay Kapulisan sa munisipyo at Kapulisan sa probinsya. Hindi puwedeng magkasugal sa isang munisipyo na hindi sangkot ang pulis o ang mayor. Hindi naman sikreto na may kasama diyang pulis, local officials, gobernador sa kalakaran ng jueteng, yan talaga ang totoo.”
Kahit aminadong pagod na sa tagal nang pakikipaglaban sa pagsawata sa jueteng ay nananatiling positibo si Cruz na may pag-asa pang tuluyang mapatigil ito.
By Aiza Rendon | Ratsada Balita (Interview)