Umakyat pa sa mahigit 8.5-milyon ang kabuuang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa buong mundo.
Ito ay matapos makapagtala ang World Health Organization (WHO) ng mahigit 150,000 bagong kaso na siyang pinakamataas na naitalang bilang sa loob lamang ng isang araw.
Ayon kay WHO director general Tedros Adhanom Ghebreyesus, halos kalahati sa nabanggit na mga bagong kaso ay mula sa Amerika, habang may malaking bilang ding naitala sa South Asia at Middle East.
Samantala, pumapalo na rin sa mahigit 456,000 ang kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa COVID-19 at halos 4-milyon naman ang nakarekober na sa sakit.
Nananatili naman ang Amerika bilang bansang pinakamatinding naapektuhan ng COVID-19 kung saan nakapagtala na sila ng mahigit 2.2-milyong kaso at halos 119,000 na pagkasawi.