Walong puntos ang itinaas sa global ranking ng fixed broadband average speed ng Pilipinas.
Base ito sa pinakahuling Ookla speed-test global index report kung saan ang nasabing ranking ang pinakamataas na monthly improvement sa average speed ng internet sa Pilipinas mula nang mapuwesto ang Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinabatid ng Ookla na nakapagtala ng 5.73 mbps increase mula sa dating 32.73 mbps nuong enero at naging 38. 46 mbps nuong isang buwan o katumbas ng monthly increase na 17.51% at 386. 22% increase sa download speed ng bansa na 7.91 mbps nuong Hulyo 2016.
Tumaas din ang over all performance ng mobile network sa bansa at umangat ng tatlong puntos sa global ranking.
Sa isandaan at apat napung bansa ang Philippine mobile speed ay nasa ika-86 na puwesto nuong Enero kumpara sa pagiging 111st nuong Enero 2020 kung saan nahigitan ng Pilipinas sa ranking ang Russia, Malaysia at Indonesia.
Sa Asya ang Pilipinas ay nasa ika-24 na puwesto sa internet speed sa fixed broadband at pang-25 naman sa mobile.
Ang pagbuti ng internet speed sa bansa ay kasunod na rin ng direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte nuong Hulyo 2020 na pabilisin ang proseso ng local government unit permits para sa pagtatayo ng cellular towers.