Umangat pa ang ranking ng Pilipinas sa pinakahuling Speedtest Global Index ng Ookla.
Pahayag ng Ookla, kapwa kasi bumuti ang datos ng fixed broadband median download speed at mobile median download speed sa bansa.
Nabatid na ang fixed broadband median speed ay tumaas sa 78.33Mbps mula sa 75.62Mbps.
Sinasabing ang mobile median speed naman ay naitala sa 22.35Mbps.
Binanggit din ng Ookla na ang Pilipinas ay pang-45 na mula 182 na mga bansa pagdating sa fixed broadband at pang-82 mula sa 140 na mga bansa pagdating naman sa mobile.
Maliban dito, napag-alaman na sa 50 Asian countries, ang bansa ay pang-14 sa fixed broadband at pang-29 sa mobile.
Nasa ika-12 na pwesto naman ang Pinas sa fixed broadband at pang-17 sa mobile sa Asia Pacific.
Nakikita na ang pagbuti ng internet speed sa bansa ay kasunod ng mas pinabilis na proseso sa pag-iisyu ng LGU permits na nagbigay-daan para mapabilis ang pagtatayo ng cellular towers at paglalatag ng fiber optic network ng mga telco.
Kasabay nito, binanggit na malaki ang naitutulong ng pagpasok sa bansa ng satellite-based Starlink internet service ni Elon Musk.
Sa susunod na anim na taon, inaasahan na magiging available na ang serbisyo ng Starlink na high speed low latency satellite internet service na mayroong download speed na nasa 100Mbps-200Mbps.