Ilalabas na ng Globe Telecom ang billing nito sa kanilang mga subscribers sa pamamagitan ng online hanggang sa katapusan ng Disyembre.
Sa inilabas na kalatas ng Globe, sinabi nito na ang hakbang na gawing electronic ang paglabas ng kanilang billing ay dahil sa muling pagsailalim ng National Capital Region (NCR) at ibang mga lugar sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Pagdidiin pa ng Globe, mas ligtas ang electronic billing, hindi lamang sa kanilang mga subscribers, kun’di pati na rin sa kanilang mga messenger na dati’y naghahatid ng mga bills sa mga bahay-bahay.
Kasunod nito, inihayag din ng Globe na sakop ang lahat ng mga subscribers ng kumpanya na otomatikong magiging paperless billing na, kabilang ang mga business at enterprise clients nito bilang pagtugon sa ibinabang direktiba ng National Telecommunications Commission (NTC).