Nanumpa bilang bagong speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo.
Nangyari ito ilang minuto bago ang ikatlong State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinalitan ni Arroyo si House Speaker Pantaleon Alvarez na namuno sa Kamara sa loob ng dalawang taon.
Nanumpa si Arroyo kay Kabuhayan Party-list Representative Dennis Laogan, na siyang pinakabatang miyembro ng Kamara.
Ayon kay ACTS-OFW Representative John Bertiz nasa 184 na kongresista ang bumoto para patalsikin si Alvarez habnag 12 naman ang nag-abstain.
Gayunman, si Alvarez pa rin ang umupo bilang House Speaker sa SONA ng Pangulo.
Samantala, nabatid na bago ang kanyang SONA, nagkaroon muna ng hiwalay na pakikipag- usap si Pangulong Duterte kay Alvarez at Arroyo.
Si Arroyo ay ang kauna-unahang babaeng manunungkulan bilang lider ng Mababang Kapulungan.
Inirerespeto naman ng Malacañang ang nangyaring pagbabago sa liderato ng Kamara.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang pagboto ng bagong lider ng Kamara ay isang internal na bagay na tanging mga mambabatas lamang ang siyang maaaring mag-desisyon.
Kinikilala aniya ng Pangulo ang separation of power gayundin ang pagpili ng mga mayorya ng kanilang bagong lider.
—-