Nagpaalala si committee on health chairman Senador Christopher Bong Go sa mga employers, management at may-ari ng mga kumpanya na tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga empleyado laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Go, dapat masigurong ipinatutupad ang mga health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield sa mga opisina o kung saan nagtatrabaho ang mga empleyado.
Pinatitiyak din ng senador ang agarang pagbukod sa mga empleyado na kinakitaan ng sintomas ng COVID-19.
Maliban dito, sinabi ng senador na dapat magpatupad ng alternative work arrangements gaya ng remote o work-from-home scheme upang maiwasan ang hawaan at malimitahan ang kanilang exposure sa COVID -19.
Dagdag ng senador, ang pag-iingat sa kalusugan ng mga empleyado ay pagtitiyak din na hindi madidiskaril ang operasyon ng mga negosyo.