Nagbabala si Senador Christopher “Bong” Go sa mga benepisaryo ng social amelioration program (SAP) na emergency subsidy ng pamahalaan sa harap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na gamitin ang ayuda sa pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.
Ito’y makaraang mapabalita na ang ilang mga benepisaryo ng sap ay ginagamit lamang sa sugal ang pera.
Dahil dito, ani Go, agad na madidiskwalipika ang napatunayang ginamit ang pera sa sugal at hindi na muling makakatangap ng susunod pang mga ayuda ng gobyerno.
Sa kabila nito, pinawi naman ni Go ang pangamba ng iilang hindi kwalipikadong makakatanggap ng naturang ayuda.
Aniya, prayoridad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mabigyan ang mga pinakanaapektuhang sektor tulad na lamang ng mga daily wage earners, bagamat hindi pa lahat nabibigyan, patuloy pa rin aniyang gumagawa ng paraan ang pamahalaan para matugunan ang mga pangangailangang ito.
Samantala, payo ng senador, dapat pa ring manatili ang publiko sa kani-kanilang mga bahay at ibigay ang buong suporta sa gobyerno habang patuloy itong lumalaban sa krisis dulot ng COVID-19.