Umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa mga kapwa senador na suportahan ang panukalang lumikha ng Department of Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ito’y matapos sertipikahang “urgent” ng Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang panukala na kanyang inakda.
Giit ni Go, bagamat batid niya na maraming dapat asikasuhin dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic pero huwag naman anyang hayaan na kung saan-saan hihingi ng tulong ang mga distressed OFWs.
Nagpasalamat din si Go sa pangulo sa pag-certify bilang “urgent” sa panukala nya na Department of OFW.
Magiging daan anya ito para matiyak ang efficient at mas responsive na serbisyo sa milyun-milyong OFW at kanilang pamilya.
Una nang sinabi ni Go na bilang mga itinuturing na “modern day heroes”, hindi mababayaran ang sakripisyong ginagawa ng mga OFW na malaking tulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Nanindigan din ang senador o na ang pagbuo ng bagong departamento na tututok sa mga OFW ay hindi magdudulot ng paglobo ng bureaucracy, sa halip ay titiyak ito sa mas mahusay na koordinasyon at mas epektibong pagtugon sa pangangailangan ng mga OFW.
Una kasi dito, nais nina Senate President Vicente Sotto III at Minority Leader Franklin Drilon na unahin ang right sizing bill bago aksyunan ang mga panukala na lumikha ng bagong departamento. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)