Mariing kinondena ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang mga komento ni Misamis Oriental Governor Peter “Sr. Pedro” Unabia, na tila kinukuwestiyon ang kakayahan ng mga Muslim na mamuno nang mapayapa.
Umani ng batikos sa social media si Unabia matapos ipakita sa kanyang campaign rally ang mga insidente ng karahasan sa BARMM at sabihing maaari itong mangyari rin sa kanilang lalawigan kung may pulitiko roong may kaugnayan sa Bangsamoro ang mahalal.
Bilang tugon, iginiit ni BARMM Cabinet Secretary at spokesperson Mohd Asnin Pendatun na ang naturang pahayag ay hindi makatao at nagpapakita ng kakulangan sa pang-unawa sa kultura ng mga Bangsamoro.
Ayon sa kanya, mas kailangan ngayon ang bukas na pag-uusap at paggalang sa isa’t isa upang maisulong ang kapayapaan.
Kaya hinimok ni Pendatun si Unabia na matuto sa kontrobersiya at makipagtulungan para sa kapayapaan sa Mindanao.
Naglabas na rin ng paumanhin si Unabia at iginiit na wala siyang intensyong makasakit.
Sinabi niyang ang isyu ay pinalalaki lamang ng kanyang mga katunggali sa pulitika.
Dagdag pa ni Pendatun, bagama’t tapos na ang armadong pakikibaka ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), nananatili pa rin ang ilang hamon gaya ng away-angkan at election-related violence.
Ipinahayag niya ang pasasalamat sa suporta ng pambansang pamahalaan sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., lalo na sa tulong ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo Jr.
Ngayong 2025, hahawakan ng BARMM Transition Authority ang dalawang mahalagang halalan: ang national midterm elections at ang unang parliamentary elections ng rehiyon — kaya’t lalo umanong kailangang magtulungan ang BARMM, PNP, at pambansang gobyerno upang panatilihing mapayapa ang nasabing proseso.