Maghaharap bukas, Hunyo 1, ang mga kinatawan ng Inter-Agency Task Force (IATF), religious sector, at mga lokal na pamahalaan na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Ito’y upang talakayin at plantsahin ang mga ipatutupad na guidelines hinggil sa religious gatherings ngayong unti-unti nang nagluluwag ang mga ipinatutupad na health and security protocols dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, pagktapos ng pulong ay agad nilang isasapubliko ang pinal na resolusyon hinggil dito na aaprubahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi pa ng kalihim, nagsumite na ng kani-kanilang safety protocols ang iba’t ibang religious groups kung paano sila makapagsasagawa ng mga pagsamba na nakasalig naman sa minimum health protocols ng IATF sa ilalim ng GCQ.