Binalikan ng Malakaniyang si senador at Philippine Red Cross Chairman Richard Gordon kaugnay sa panibagong banta na ititigil ang pagsasalang sa COVID-19 test ng mga uuwing OFW dahil sa kabiguan ng PhilHealth na bayaran ang natitira pa nitong utang na muling lumobo sa P800-M.
Nangako ang gobyerno sa pamamagitan ni Presidential Spokesman Harry Roque na babayaran ng gobyerno ang anumang atraso sa Red Cross.
Kasabay nito hinanap ng Palasyo sa Red Cross ang COVID test kit at PCR machine na donasyon sa Pilipinas at itinurn over dito nuong mga unang buwan ng COVID-19 pandemic.
Titingnan aniya nila kung kasama sa mga donasyon ang mga COVID test kit at makinang ginamit ng Red Cross sa mga pasyente kabilang ang mga OFW.
Sinabihan din ni Roque si Gordon na hindi nakakatulong ang paulit-ulit nitong pagbabanta na ititigil ang swab testing sa mga OFW dahil sa utang ng PhilHealth dahil may pambayad naman ang gobyerno rito at dumadaan lamang ito sa proseso kaya’t nagkakaroon ng delay sa pagbabayad.