Makabubuting laging nakikinig at bukas ang gobyerno sa lahat ng anumang kritisismo upang makatulong sa pagpapahusay ng mga umiiral na patakaran ng mga otoridad.
Ito ang inihayag ni Senador Chiz Escudero matapos ang batikos ni United Nations Special Rapporteur on Extra-Judicial, Summary at Arbitrary Executions Agnes Callamard sa isang forum sa UP o University of the Philippines na walang epekto ang anti-illegal drugs campaign ng gobyerno.
Ayon kay Escudero, walang gobyernong makakayang “isolated” kaya’t dapat itong maging bukas hindi lamang sa mga papuri kundi sa mga batikos at kritisismo.
Sa panig naman ni Senate Majority Floor Leader Tito Sotto, inihayag nito na baliwalain na lamang ng gobyerno ang puna ni Callamard.
Ang anuman anyang paraan ng paglaban sa iligal na droga ay laging nakabubuti sa bansa.
Sen. Escudero may paalala kay UN Special Rapporteur Agnes Callamard
Dapat ay higit na naka-aalam sa kahalagahan at pangangailangan ng due process si Dr. Agnes Callamard bilang United Nations (UN) Special Rapporteur dahil ito’y basic at inherent right ng tao at pamahalaan.
Ito ang ipinaalala ni Senador Chiz Escudero kay Callamard sa gitna nang bigla nitong pagdating sa bansa at hindi pakikipag-ugnayan sa pamahalaan bago bumisita.
Ayon kay Escudero, maaaring buo na ang isip ng UN Rapporteur hinggil sa mga napapabalita laban kay Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Umaasa naman ang senador na bibigyan ni Callamard ng due process ang Pangulo.
Hindi anya dapat kalimutan ng UN Rapporteur na anumang negatibong findings na kanilang ilalabas ay maka-aapekto sa buong bansa at sambayanang Pilipino.
By Drew Nacino |With Report from Cely Bueno