Dapat maghanap na ang pamahalaan ng bagong supplier ng wheat at gumamit ng ibang sangkap sa paggawa ng harina bukod sa trigo.
Ito, ayon kay senator imee marcos, ay upang maiwasan ang biglang pagtaas ng presyo ng tinapay, noodles at iba pang produktong may sangkap na harina, dulot ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine na mga pangunahing wheat supplier.
Ang russia anya ang pangunahing wheat supplier pero dahil sa mga ipinapataw na sanction ng iba’t ibang western nations, maaaring mapatid ang supply ng trigo sa mundo na magiging dahilan ng pagsirit ng presyo nito sa merkado.
Binanggit ng senador na ang pilipinas din ang isa sa sampung pangunahing bansa na umaangkat ng trigo sa Ukraine, kung saan natengga ang pagtatanim at pagbibyahe nito dahil sa sagupaan.
Ipinunto ni Marcos na may alternatibong pagkukunan ng trigo ang Pilipinas na mas malapit tulad ng china at mainam ding bigyang-pansin ng gobyerno ang harina na hindi gawa sa trigo o maaaring magmula sa bigas, mais, kamote, patatas, kalabasa at munggo.
Idinadagdag pa ng mambabatas na dahil sa mataas na presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) ay maaari ring magdulot ito ng pagtaas ng presyo ng pandesal at iba pang tinapay.