Halos nasa 100 porsyento nang handa ang gobyerno para sa idaraos na Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Leader’s Meeting sa susunod na linggo.
Inihayag ito ni Ambassador Marciano Paynor Jr., Director General ng APEC National Organizing Council sa kaniyang pagharap sa mga mamamahayag sa Malacañang kanina.
Sinabi ni Paynor na handa na ang Pilipinas para tanggapin ang 20 economic leaders na miyembro ng APEC kabilang na ang head of state ng bansang Columbia.
Nakalatag na rin ani Paynor ang lahat ng mga security preparations mula sa pagdating hanggang sa pag-alis ng mga bisita at delegadong dadalo sa APEC.
Kabilang na rin aniya rito ang pagtitiyak sa seguridad sa mga daraanan patungo sa pagdarausan ng mga pagpupulong.
Usapin ng ‘laglag-bala’ di isyu sa APEC
Samantala, hindi usapin sa mga delegado ng Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Summit ang kontrobersyal na tanim-laglag bala modus sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ang pagtitiyak ni APEC National Organizing Council Director General Ambassador Marciano Paynor Jr. sa harap ng pagdating ng mga dayuhang delegado ng APEC.
Ani Paynor, maituturing na lokal na usapin lamang ang laglag bala dahil sa ang mga Pilipino lamang ang gumagamit ng bala bilang naniniwala sa mga anting-anting.
Sinabi pa ni Paynor na ihahatid at susunduin sa airport ang lahat ng delegado ng APEC kaya’t napakaliit lamang aniya ng posibilidad na mabiktima ang mga ito ng modus.
May itinalaga ring sarili o special lane para sa mga darating na delegado sa bansa.
Kasunod nito, tumanggi nang magkomento si Paynor sa kaso ng ilang dayuhan na nahuhulihan ng bala dahil wala aniyang kinalaman ang mga ito sa APEC Summit.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23)