Tiniyak ng Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko ang kahandaan ng gobyerno para tugunan ang COVID-19 outbreak.
Sa gitna na rin ito nang paghimok ng Pangulo sa publiko na manatiling kalmado at mag-ingat.
Sa kanyang video message kinumpirma ng Pangulo na nananatiling tatlo ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa at walang ebidensya hinggil sa local community transmission ng nasabing sakit.
Binigyang diin pa ng Pangulo na nakikipagtulungan ang gobyerno sa World Health Organization (WHO), medical societies at private sectors para tugunan ang COVID-19 at paghandaan ang anumang pangyayari.
Siniguro pa ng Pangulo sa mga Pilipinong nasa lockdown areas sa China na maibabalik sila sa Pilipinas at hindi pababayaan ng gobyerno.
Pinayuhan ng Pangulo ang mga Pilipino na mayroong sakit na magsuot ng face mask at sa lahat ng mga Pilipino na maghugas palagi ng kamay at maging malinis sa buong katawan para makaiwas sa infection.
To our kababayan’s who remain in lock down areas in China, I assure you the govenment is ready to bring you home if you want, hindi naman kayo pababayaan. Maging maingat at yung mga impormasyon na importante na manggaling sa WHO ay ating pakinggan at wag makinig dyan sa mga haka-haka, sa gobyerno kayo nakatutok. Nandyan ang totoo sa gobyerno, wala dyan sa mga taong haka-haka na wala namang ginawa kundi manakot sa kapwa tao. I call on our people to remain calm, vigilant and responsible, I also ask your trust and cooperation, support as we face the challenge. Tayo ay magkaisa, together as one nation, this challenge can be overcome,” ani Duterte.