Handang-handa ang gobyerno sa ikakasang tigil-pasada ng ilang transport groups sa susunod na linggo.
Ito ang inanunsiyo ni Presidential Communications Office Secretary Cheloy Velicaria-Garafil sa kabila ng pagtiyak ng 94% ng jeepney drivers na hindi sila makikibahagi rito.
Nagkaroon aniya ng inter-agency meeting na pinangunahan ni Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevarra kung saan inilatag ang mga plano upang pagaanin ang posibleng epekto ng tigil-pasada sa mga mananakay.
Sinabi ni Gerafil na magde-deploy ang Philippine National Police o PNP ng mga personnel na siyang magmo-monitor at magpapanatili ng kapayapaan sa mga apektadong ruta.
Maliban sa PNP at AFP, makakatuwang din ng MMDA sa pagbabantay sa sitwasyon ng trapiko ang DOTr o Department of Transportation at iba pang kinauukulang ahensya.
Mahigit isang daang transport vehicles ang inaasahang mag-aalok ng libreng sakay sa mga commuter.
Samantala, posible ring suspendihin ang number coding scheme sa Metro Manila dahil sa tigil-pasada.