Umaasa ang gobyerno na tuluyan nang mababawi mula sa Maute Terror Group ang Marawi City sa Lunes, Hunyo 12.
Ito ang sinabi ni AFP o Armed Forces of the Philippines Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla sa ginanap na mindanao hour sa Malakanyang.
Aniya, mismong si AFP Chief of Staff General Eduardo Año ang nagsabing hangad nilang matapos na ang gulo sa Lunes para maging malaya na ang Marawi City sa mismong araw ng selebrasyon ng Independence Day.
Ginawang batayan anila ang pakonti-konti na lamang na putukan bilang indikasyong mahina na ang pwersa ng teroristang grupo at maliit na lamang ang mundo ng mga ito.
Dagdag pa ni Padilla, kanilang hangad na maiwagayway ang bandila ng Pilipinas sa Marawi City.
Kasabay nito nanawagan din si Padilla na ipagdasal ang kaligtasan ng mga sundalong nakikipagbakbakan laban sa mga teroristang grupo.
Maaarestong personalidad na kabilang sa arrest orders ng DND asahang dadami pa
Asahan nang mas marami pa ang maaarestong personalidad na kabilang sa arrest orders one (1) at two (2) ng DND o Department of National Defense sa mga susunod na araw.
Pagtitiyak ni Eastmincom Deputy Commander Brig. General Gilbert Gapay, mas magiging agresibo at proactive ang militar at pulisya sa pagtugis sa mga grupong nagpasimula ng gulo sa Marawi City.
Gayunman hindi masabi ni Gapay kung may mga pulitikong symphatizers at supporters ng Maute ang nasa listahan.
Sinabi naman ni Executive Secretary Ernesto Abella, sinimulan na ang imbestigasyon sa mga signatories sa mga tseke, gayundin ng mga perang nasamsam sa isang bahay sa Marawi City.
Umaasa aniya ang Palasyo na agad nang matatapos ang kaguluhan sa lungsod para manumbalik na sa normal ang buhay ng mga naapektuhan.
AFP kumikilos na para madakip ang mga nasa arrest order ng DND
Kumikilos na ang AFP o Armed Forces of the Philippines para madakip ang mga indibidwal na kabilang sa ipinalabas na arrest order ng Department of National Defense.
Ayon kay AFP West Mindanao Command Chief Lt. Gen. Carlito Galvez, aabot sa mahigit dalawang daan (200) ang kabilang sa hawak nilang listahan na itinuturing na mga symphatizer at financier ng Maute group at may kasong rebelyon.
Aniya, oras na maaresto ang mga nasa listahan at lumabas sa imbestigasyon na malaki ang kanilang koneksyon sa mga terorista ay agad na idedeteni ang mga ito.
Tatlo (3) sa mga listahan ay nadakip na kabilang ang ama ng Maute Brothers na si Cayamora Maute.
By Krista De Dios | With Report from Aileen Taliping / Jonathan Andal