Hinamon ng oposisyon sa Senado ang adminisitrasyon na humarap at makiisa sa ikakasang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC).
Iyan ang kapwa inihayag nila Senadora Risa Hontiveros at Leila de Lima makaraang ihirit ni outgoing ICC Prosecutor Fatou Bensouda na imbestigahan muli ang war on drugs.
Ayon kay Hontiveros, dapat iharap ng pamahalaan ang mga law enforcement units nito dahil nakamasid ang buong mundo sa walang patid na patayan sa kampaniya kontra iligal na droga.
Dapat mabigyan ng hustisya ang mga naging biktima ng war on drugs tulad nila Kian Delos Santos na nagsilbing collateral damage ng administrasyon.
Para naman kay De Lima, malapit na aniyang matapos ang masasayang araw ni Pangulong Duterte kaya’t dasal niya ay humaba pa ang buhay nito upang maihanda ang sarili sa darating na paglilitis.—ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)