Tinawag ng Malakanyang ang mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte na may malikot na pag-iisip matapos isisi sa kanya at kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang umano’y pang-aabuso sa Oplan Tokhang.
Sa harap na rin ito ng kontrobersyal na “tokhang for ransom” na kinasasangkutan ni SPO3 Ricky Sta. Isabel.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na walang batayan ang pahayag ng mga kritiko na epekto ng Oplan Tokhang ang culture of impunity sa hanay ng mga pulis at sa katunayan ay sinisikap ng Duterte Administration na maalis ito.
Idinagdag pa ni Abella na hindi kinukunsinti ng gobyerno partikular ni Pangulong duterte ang mga pulis na nasasangkot sa krimen at pag-abuso.
Magugunitang inihayag ng ilang mambabatas gaya ni Senador Leila De Lima na dahil sa matinding pagsuporta nina Pangulong Duterte at Dela Rosa sa mga pulis sa anti-illegal drugs, lumakas ang loob ng mga ito at naganap ang ‘tokhang for ransom’ gaya ng nangyari sa Korean businessman na si Jee Ick Joo.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping