Inirekumenda ni House Ways and Means chairman at Albay Representative Joey Salceda sa Inter-Agency Task Force (IATF) na ibalik na ang biyahe ng mga provincial bus.
Ito’y upang unti-unti nang mapagana at gawing epektibo ang pagbuhay muli sa ekonomiya ng bansa matapos ang ilang buwang lockdown dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Giit ni Salceda, malaking dagok sa paggalaw at hanap buhay ng mga Pilipino kung mananatiling suspendido ang biyahe ng mga provincial bus papunta at pabalik ng mga lalawigan.
Bagama’t hinihikayat ng mambabatas ang pamahalaan na ibalik na ang biyahe ng mga provincial bus, kailangan din namang masunod pa rin ang minimum health standards upang maiwasang kumalat ang virus.
Una rito, ilang kumpaniya na ng bus ang napilitan nang ipag-retiro ang kanilang mga empleyado bunsod na rin ng pagkalugi sa ilang buwang suspensyon ng biyahe ng pampublikong transportasyon.