Muling umapela ang mga local hog raiser sa gobyerno na magpatupad ng mas mahigpit na hakbang upang maiwasan ang pinangangambahang pagpasok ng African Swine Fever o ASF sa gitna ng outbreak ng naturang sakit sa Europa at China.
Ito’y matapos sibakin ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang mga quarantine officer ng Bureau of Animal Industry sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa kabiguang magpatupad ng mga protocol laban sa naturang virus.
Ayon kay National Federation of Hog Farmers President Chester Warren Tan, maaaring maapektuhan ang buong industriya ng babuyan sakaling makapasok ang nakamamatay na sakit na wala pang lunas.
Bagaman walang hatid na peligro o epekto ang ASF sa tao, wala pang gamot laban dito at pinaka-masaklap ay may kakayahan itong wasakin ang buong livestock production kung hindi ma-ko-control.