Hinimok ni Senate President Koko Pimentel ang DOH o Department of Health na igiit nito sa kumpaniyang Sanofi Pasteur na ibalik ang tatlo’t kalahating bilyong pisong ibinayad nito sa pagbili ng anti-dengue vaccine na dengvaxia.
Sa panayam ng DWIZ kay Pimentel, sinabi nito na bigo ang Sanofi na ihatid ang tunay na benepisyo ng naturang bakuna sa publiko dahil sa naging pahayag nito hinggil sa epektong dulot nito sa mga wala pang history ng nasabing sakit.
Ang ating pagkakaintindi ay to give protection from our children from future dengue infection, pero ayun pala sila mismo nagsabi na yung magkaka-dengue na nabigyan ng dengvaxia ay posibleng magkaroon ng severe infection so hindi nabigay ang ating expectation. So parang ang nangyayari ay walang kontrata, so para sa akin, ibalik ang 3.5 billion pisong ibinayad. Pahayag ni Pimentel
Kasunod nito, binanatan din ni Pimentel ang tila pagiging mahina ng DOH nang hindi nito igiit ang full refund sa naturang bakuna gayung maraming buhay aniya ang nalagay sa alanganin dahil sa kapabayaan ng Sanofi.
Kasunod nito, umaasa naman ang bagong Chairman ng PACC o Presidential Anti-Corruption Commission na si Dante Jimenez na magdideklara ng State of Emergency si Pangulong Rodrigo Duterte sa tatlong rehiyon na lubhang apektado ng nasabing kontrobersiya.
Ito’y makaraang dumami pa ang natatanggap na reklamo ng VACC o Volunteers Against Crime and Corruption mula sa mga magulang ng mga batang naturukan ng nasabing bakuna na nagkasakit at tinatanggihan ng mga ospital.