Nasasabik nang bumalik ang mga katutubong Lumad sa kani-kanilang mga tahanan at komunidad sa kabundukan ng Mindanao.
Ito’y makaraang magtungo ang may 700 katutubo sa Maynila upang ipanawagan sa pamahalaan na resolbahin na ang problema ng mga pag-atake sa kanila ng mga armadong grupo.
Ayon kay Renato Reyes, Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN, paraiso kung ituring ng mga Lumad ang kanilang mga tahanan.
Hindi aniya magawang bumalik ng mga Lumad hangga’t may presensya pa ng mga armadong grupo sa kanilang komunidad.
“Ilang buwan na po ang situation na ito, ilang buwan na po silang nasa evacuation centers na nanganganib sila na mag-Pasko sa evacuation centers, dahil hindi sila makakauwi dahil walang signs ang gobyerno na ititgil nila yung mga military operation.” Ani Reyes.
Binigyang diin ni Reyes na hindi naman makikita sa mga lansangan ng Maynila ang mga Lumad kung nakikinig lamang ang pamahalaan sa kanilang mga hinaing.
” Ang hinihiling lang nila paalisin yung military, ipatigil yung military operation para makabalik sila sa kanilang mga communities, at arestuhin yung mga perpetrators nung mga pumatay doon sa teacher at sa community leaders nila.” Pahayag ni Reyes.
By Jaymark Dagala | Karambola