Ibinuhos na ng gobyerno ang pondo nito para mabigyan ng ayuda ang mga Pilipinong naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ipinabatid ito ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, Co-Chair ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) matapos i-report ni DSWD Secretary Rolando Bautista na pumapalo sa mahigit P106-billion ang naipamahaging tulong pinansyal sa mahigit 19-milyong beneficiaries sa ilalim ng SAP o social amelioration program.
Bukod dito inihayag pa ni Nograles na inaprubahan na ng Social Security System ang halos kalahating milyong application para sa calamity assistance na nagkakahalaga ng P7. 5-billion.
Nabigyan na rin aniya ng tulong ang nasa mahigit P74-million mula sa kabuuang P84- million ang halos 6,000 manggagawa na nawalan ng trabaho.
Ayon pa kay Nograles Ang Department of Labor and Employment (DOLE) naman ay nakapagbigay na ng tulong pinansyal sa halagang P6.4-billion sa mahigit 1-milyong displaced employees sa formal at informal sectors kabilang ang mga OFW’s.
Iniulat din ni nograles ang naipalabas na P6-billion na cash subsidy ng Department of Agriculture para sa mahigit isang milyong magsasaka at mangingisda na apektado ng COVID-19 pandemic.
Binigyang diin pa ni Nograles na hindi rin naman nagpahuli ang Department of Education para ayudahan ang mga naapektuhan sa sektor ng edukasyon.
Kabilang dito ang computer loan program ng GSIS para sa distance learning o online classes at cash loan program para matulungan ang mga miyembro nitong makapagbayad ng matrikula at iba pang gastusin sa paaralan ng kanilang mga anak.