Inaasahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) na mas magiging handa ang gobyerno sa posibleng El Niño ngayong taon.
Ayon kay NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon, dapat ay natuto na ang mga ahensya ng gobyerno sa dumaan na tag-init nuong 2015 hanggang 2016.
Sa naturang panahon ay hindi aniya nasabihan at maagang na-asistihan ang mga magsasaka partikular sa Mindanao na nagdulot naman ng malaking pagkalugi sa mga nagtatanim ng palay at mais.
Sinabi naman ng Department of Agriculture (DA) na bumuo na sila ng task force El Niño sa pakikipag-tulungan sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) para matutukan at mabigyan ng maagang edukasyon ang mga magsasakang posibleng tamaan ng matinding pag-init.
Sa huling ulat ng PAGASA nasa 70 percent na ang tiyansang muling maranasan ang El Niño sa bansa.