Naghahanda na ang gobyerno sa posibleng mahabang evacuation kasunod ng patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Ipinabatid ito ni Presidential Adviser for Political Affairs Francis Tolentino na itinalaga bilang Mayon Volcano Crisis Manager.
Sinabi ni Tolentino na tinatantiya ng Malakanyang na tatagal pa ng mahigit isandaang (100) araw ang evacuation situation, base sa aktibidad ngayon ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Tolentino, mayroon nang ‘standby fund’ na 160 milyong piso at kukulangin ito ng 140 milyong piso pa kapag inabot ng isandaang araw ang evacuation ng mga residenteng apektado.
Kasabay nito, iniulat ni Tolentino ang tatlong daan at tatlongpung (320) toilet na nagawa na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga evacuee bukod pa sa halos dalawangdaang pansamantalang learning spaces.
Samantala, regular na aniya ang delivery ng malinis na tubig sa kada evacuation center.