Nakaalerto na ang gobyerno matapos ang pagkakasabat ng mga puslit na sibuyas mula China na nagkakahalaga ng 34 million pesos.
Hiniling ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol kay Customs Commissioner Isidro Lapeña na isailalim sa “alert status” ang lahat ng paparating na shipments na deklaradong agricultural products.
Nangangahulugan aniya ito na awtomatikong bubuksan ang mga container na naglalaman ng agricultural product.
Magugunitang nasabat ng DA at Bureau of Customs ang ilang container van na idineklarang mansanas subalit naglalaman ng first-class onions.
Naka-consign ang shipment sa Kasaligan International sa port area, Skyrocket Trading at Epitome International Trading na kapwa nasa Binondo, Maynila.
Isiniwalat din ni Piñol na nakatanggap ng tawag si DA Undersecretary for Operations Ariel Cayanan mula sa isang hindi nagpapakilalang tao na nag-alok ng 200,000 pesos kapalit ng paglusot ng nasabing kontrabando.
—-