Naninindigan ang Government Peace Panel sa desisyong abandonahin ang itinakdang ika-limang round ng peace talks sa CPP-NPA-NDF.
Ayon kay Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza, walang dahilan para bawiin nila ang naunang pasyang huwag nang lumahok sa muling pag-uusap ng magkabilang panig.
Hindi aniya makapagpapabago ng isip ng government panel maging ang maikling pakikipag-usap kay CPP Chairman Jose Maria Sison.
Una nang umatras ang government panel sa 5th round ng peace talks dahil sa anito’y kawalan ng magandang pagkakataon para ituloy ang peace negotiations.
Kasunod na rin ito ng kautusan ng CPP sa armed wing nitong NPA na paigtingin pa ang mga opensiba bilang pagtutol sa idineklarang Martial Law ng paNgulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Sa panayam ng DWIZ, binigyang diin ni Government Panel Chief Negotiator Silvestre Bello III na hindi tamang kasabay ng peace talks ay tumataas din ang karahasan.
Sa kabila nito, nilinaw nito na ang ika-limang round lamang ng pag-uusap ang hindi natuloy pero magpapatuloy pa rin ang kabuuang proseso ng peace talks.
“Ang hinihingi ng ating Pangulo sa kanila na ipakita din naman sa amin na kayo ay tamang kausapin at meron kayong kakayahan na ipatupad ang napag-usapan natin.” Ani Bello.
By Judith Larino | Katrina Valle | Balitang Todong Lakas (Interview)
*OPAPP Photo