Pinag-aaralan ng gobyerno ang posibilidad na ilagay sa iisang pasilidad ang lahat ng pasyente ng (COVID-19).
Ito ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo ang isa sa mga napag-usapan ng Pangulong Rodrigo Duterte at ng Inter Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Sinabi ni Panelo na inirerekomenda nila ang iisang pasilidad sa kumpirmadong kaso ng COVID-19 maging yung mga mino-monitor sa posibleng COVID-19 infection para ma-isolate o maihiwalay na sa iba.
Tiyak kasi aniyang mauubusan ng ospital na paglalagyan ng mga apektado ng COVID-19 bukod sa mas maraming health workers ang mae-expose sa parehong infection.
Sa kasalukuyan ay nakakalat sa ibat ibang ospital ang mga pasyente ng COVID-19 at mga mino-monitor sa nasabing virus.