Dapat paghandaan na ng gobyerno ang posibleng pagganti ng grupong Maute at iba pang terrorist group kasunod ng pagkamatay ng dalawang lider nitong sina Isnilon Hapilon at Omar Maute.
Ayon kay Professor Rommel Banloi, Executive Director ng Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research, asahan na ang paghihiganti ng mga natitira pang miyembro ng Maute gayundin ng mga kaalyado nitong teroristang grupo.
Hindi aniya maaaring magpakakampante ang Armed Forces of the Philippines o AFP dahil nanatili pa rin ang banta ng terorismo mula sa grupong Abu Sayyaf, Ansar Khalifa, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF at mga foreign fighter.
Sinabi naman ni UP Islamic Studies Professor Dr. Julkipli Wadi, dapat na bantayan ang mga kaanak ng mga biktima ng giyera sa Marawi City.
Aniya, kadalasan kasing nagiging dahilan ang pagkamatay ng kapamilya para umanib sa mga radikal na grupo.
Metro Manila
Pinaigting na ng Philippine National Police o PNP ang pagbabantay sa Metro Manila sa posibleng pagganti ng teroristang grupo kasunod ng pagkamatay nina Isnilon Hapilon at Omar Maute.
Ayon kay PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, maghihigpit na ng seguridad sa mga strategic areas tulad ng mga paliparan.
Sinabi naman ni National Capital Region Police Office o NCRPO Chief Director Oscar Albayalde, naglatag na sila ng police checkpoint sa matataong lugar at nagsasagawa ng random inspection sa mga motorista.
Sa ngayon, sinabi ni albayalde na nasa moderate threat lamang ang metro manila dahil wala pa silang namomonitor na malinaw at direktang banta ng terorismo.
ISIS threat in Southeast Asia
Nananatili pa rin ang banta ng grupong Islamic State sa Southeast Asia sa kabila ng pagkasawi ng kinikilala nitong emir sa rehiyon na si Isnilon Hapilon.
Ayon kay Singapore Terrorism Expert Kumar Ramakrishna, makabuluhan at mayroong malaking epekto ang pagkasawi ni Hapilon sa mga grupong may kaugnayan sa ISIS sa Mindanao gayundin sa operasyon nito sa Central Syria.
Ngunit babala ni Ramakrishna, ang nalalapit na pagtatapos ng giyera sa Marawi City ay malayo pa sa pagtatapos ng terorismo sa Pilipinas.
Aniya, posibleng mag-regroup o kaya naman ay mag lie-low ang mga local terror group ngunit muli itong babangon kung mananatili pa ring buhay ang Malaysian militant na si Mahmud Ahmad.
Si Ahmad ay sinasabing supporter at nangunguna sa pangangalap ng pondo para sa ISIS at sa pagkuha ng mga bago nitong tauhan.
—-